i dont usually do this, but what the hell..
Makinig ka sa paligid, wala kang maririnig.
Ang tanging tunog lamang, katahimikang nakabibingi.
Tumingin ka sa bawat sulok, wala kang makikita.
Ang tanging kulay lamang ay kulay ng agwa.
Sa kahong ito, nakaupo’t nag-iisa,
Lahat binibilang, bawat kindat, bawat hinga.
Tila may dragong sa likod mo’y kumokontra,
Sa tuwing may kalokohan, apoy sayo’y ibubuga.
Bawat salita, bawat pagtanong, kailangan may dahilan.
Hindi uubra ang mga pasaway na isipan.
Bawat galaw, bawat hakbang, dapat may pinatutunguhan.
Maraming nakakubling patakarang nararapat daw sundan.
Ang totoong sarili hindi man gustong itago,
Anong magagawa kung pamilya’t lipunan ang katalo?
Pero sa loob nitong kahong gawa sa semento,
May kakaunting pag-asa, hindi lahat naglalaho.
Ang nagmimistulang preso sa pang-araw-araw,
Nagbabago ang anyo sa kada pagdalaw.
Nawawala ang dragon, kapalit niya’y balangaw.
Natutunaw ang mga pader, nagiging ulap na maampaw.
Ang dating katahimikan, napupuno ng musika.
Ang dating walang buhay, nabibigyan ng sigla.
Ngunit sa lahat ng ito’y nagkakaroon ng panibagong problema,
Kasayahang nadarama, hindi lubos na maipaunawa.
Kahit anong pilit tila hindi mahawakan, hindi makamtan,
Mga salitang inaasahang magbibigay ng kakayahan,
Sa damdaming naiipit sa gitna ng takot at kagalakan.
Bagamat ganito, ninanamnam bawat pagkakataong ito’y nararanasan.
Sa likod ng mga hatol na maaaring ipataw sa akin,
Walang pagsisisihan, walang susubukang limutin.
Dahil ang dating kahong gawa lamang sa semento,
Sa piling mo lamang, nagiging munti kong paraiso.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home